Aminado ako na pranka ako at kadalasan ay manhid sa damdamin ng iba. Hindi na mabibilang sa daliri yung mga pagkakataon na nalagay ako sa alanganing sitwasyon dahil sa mapanakit na talas nitong aking dila. Pakiramdam ko kasi na masyado akong magaling at perpekto sa mga bagay-bagay kaya  madali lang para sa akin ang magbitiw ng mga maaanghang na salita. Yung tipong hindi man lang pinag-isipan, hindi man lang pinakiramdaman, basta kung ano yung pumasok sa utak, sige lang, bira lang.

Pero ang lagay, sinusubukan ko talagang magbago. Hindi ko pinagmamalaki na mapagmalaki ako at mahusay akong manliit ng ibang tao. Meron kasing mga pagkakataon na katuwaan ang pamimintas at panloloko ng mga kaibigan—yung mga tipong tamang biruan at alaskahan. Merong mga eksena sa buhay magkakaibigan na para sa ikatutuwa nang lahat ang pangungutsa. Magaling ako sa ganon, pramis, isa yun sa aking mga hindi itinatago pero hindi ren binubunyag na talento.

Ang mahirap diyan sa mga ganyang sitwasyon minsan hindi madaling malaman kung sobra na ang panduduro sa kamalian at kapintasan ng iba. Marami kasing mga tao nasa loob ang kulo at marunong din magtimpi, pero pag nagalit kala mo biglang nagbabagong-anyo at nagkakaron ng kakaibang lakas ng loob. Kung tutuusin, yung mga ganung tipo ng tao ang mas nakakatakot dahil hindi mo alam kung ano ang kaya nilang gawin sa mga pagkakataong naagrabyado na sila ng todo. Buti kung lahat ng kainuman natin  babae na sasampalin lang tayo o kaya tatayo at mag wawalk-out na lang bigla na parang yung mga tipikal na dramaserye  sa telebisyon.

Dahil nga sa iwas ako sa mga ganung sitwasyon na merong mga bumabaliktad na mesa at nagsusuntukang mga lalaki at may mga nababasag na bote ng serbesa at mga nagsasampalang mga babae, hindi ko na hinahayaang dumating pa sa puntong kelangan ko pang ma-ospital dahil lang sa katangahan ko. Kadalasan kung alam kung mali ko ang pagsasalita ng mga bagay na hindi naman dapat o akma sa sitwasyon e madali para sa akin ang humingi ng pasensya.

Ang gusto ko lang sabihin kanina pa ay hindi sa lahat nang pagkakataon kaya mong basahin ang emosyon ng iba at tansyahin ang sitwasyon. Makakapagbitiw ka talaga ng mga salita na maaring ikagalit ng ibang tao. Pero kung ano yung ikikilos mo sa kung ano man yung kahihinatnan ng pangyayari ang sukatan ng tunay mong pagkatao. Kung alam mo sa sarili mo na mali ang ginawa mo, pwes, tungkulin mo bilang tao na biniyayaan ng Diyos ng utak at konsensya na ayusin yung gusot na napasukan mo. Responsibilidad ng isang matinong tao na humingi ng dispensa sa mga taong nasagasaan nya ng hindi nya sinasadya.

Masyado na palang napahaba yung panimula ko. Nawala na tuloy yung inis ko sa taong isusumbong ko  sa inyo dapat. Ang kwento kasi, meron akong kaibigan. Walangya sya. Haha. Napaka. Nawala bigla tuloy yung poise ko pero ayos lang dahil ang mahalaga maisulat ko dito na walanghiya siya. Yun lang masaya na ko.

Wala talaga kasing pinakamabisang paraan para malaman kung sinu yung mga taong dapat mong pagkatiwalaan sa bandang huli. Yung mga taong inakala mong magtatanggol sa pangalan mo sa mga oras  na wala kang kamalay-malay, minsan sila pa yung sisira sa pangalan mo ng patalikod, yung magsisindi ng apoy na susunog sa bahay mo dahil wala ka dun.

Kung katangahan mang maituturing yung ginawa niya, ganoon pa din. Ang kaso, ni hindi man nga lang ata natauhan. Parang wala lang sa kanya.

Kaya naman, siguro, parang ganun na lang din ako dapat. Parang wala lang. Lilipas din naman ito panigurado kaya mas magiging mabuti para sa akin ang ituring na lang din na biro ng tadhana yung pagbibiro niyang naging dahilan kung bakit ko naisulat ang mahaba at madamdaming lathala na to.