Pasensya na pero hindi ko talaga ma-appreciate ang pag-abala nyong tumawag sa disoras ng gabi para lang sabihin na magkakasama kayong magbarkada at masayang nagkekwentuhan habang umiinom ng kape. At lalong hindi ang pangungutya nyo tungkol sa mga bagay na hindi ko alam kung saan nanggaling at kung para saan. Pero siguro ganun naman talaga ang pang-aasar minsan hindi mo kelangang magkaron ng basehan o rason para gawin yun pero ang akin lang — hindi ko yun gustong marinig lalo na sa mga oras na wala ako sa tamang pag-iisip.

Ika nga: Magloko na sa lasing, wag lang sa bagong gising.

Buti pa kung nakatanggap ako ng paanyaya o mensahe man lang na magtitipon kayo pero wala naman at kahit meron pa, hindi ren naman ako makakakapunta dahil may sakit ako at kelangan ko ng lahat ng oras na meron ako para magpahinga.

Nainis lang talaga ako, pero ang mabuting bagay lang dito: nagkaron ako ng rason para magsulat ng panibagong lathala sa blog na ito. Napakatagal na pala nung huling nagbuhos ako ng emosyon dito sa aking birtuwal na kuta.

Ayun, maligayang bagong taon at bagong panimula na lang sa ating lahat.